Kwentong C.I. 2008: Maraming-maraming Byahe
Sa loob ng anim na araw, ako ay naglakbay sa hilagang-kanlurang Luzon sa tatlong probinsiya at 11 na destinasyon. Ito na yata ang pinakamatagal na byahe sa lahat at feeling ko mas maraming oras pa ang ginugol ko sa bus, jeep at tricycle kaysa pagtulog.
DAY 1 – December 26
Umalis ako sa bahay ganap na 4:30 na umaga. Antok pa kaya natulog lang ako sa bus, di na rin ako kumain ng breakfast. Dahil hindi ko alam kung kelan ako makakarating ng Lingayen, Pangasinan, natulog lang ako. Noong sumigaw yung konduktor ng “Urdaneta, Urdaneta!” alam kong malapit na at hindi ko na ipinikit ang aking mga mata. Noong nakakita na ako ng fish cage, alam kong malapit na ako.
First stop: Pangasinan West District. Pinag-orient pa nila ako sa Bible Study material ng wala sa oras, pero pwede na rin. Doon ako unang na-amaze dahil naka-tent pag CI kahit malamig ang panahon, bagay na hindi ko naranasan sa aming distrito.
Byahe na naman sa hapon papuntang Anda, Pangasinan, the mother island of the hundred islands. Buti na lang naabutan pa namin yung last trip na diretso dun. This time, sumama sa akin ang dalawang annual officers. Around four hours din yung byahe.
Magdidilim na noong nakarating kami ng Anda at hindi pa pala doon. Sa isang barangay pa pala, sa Tondol na kilala sa magagandang beach. Sadly, di ko man lang ito nasilayan.
Second stop: Pangasinan Central District. Dito ako kumain ng maraming-maraming isda, natulog ng 1:00 am at bumangon 4:00 am para gumayak na at byahe na naman. Natulog ako sa tent ng isang local church, in fairness, hindi masyadong malamig.
DAY 2 - December 27
Byahe na ulit papuntang Northwest Philippines Annual Conference. Dagupan muna then to Georgia also known as Urdaneta, Pangasinan. Nagkita kami ni Jepoy sa Jollibee at maglalakbay pa pala kami ng medyo malayo-layo.
Third stop: Southeast Pangasinan District. Sobrang layo nito dahil ang campsite nila ay nasa paanan ng bundok. Lahat ng elemento ng kalikasan naroon, earth, water, air, fire. At ang air, grabe! Kailangan ng magnetic shoes to stay on the ground. Kumain rin kami rito ng balut kahit mataas pa ang tirik ng araw at nagboat race sila sa rumaragasang tubig ng irigasyon. Na-amaze ako sa kanilang bintana.
Umalis din kami ng hapon para bumalik ng Georgia at pumunta sa next district. I was excited kasi fun night na nila, second night pa lang.
Fourth stop: Northeast Pangasinan District. Dito, inakala naming sa community center yung activity, astig sana kasi may round tables at kumpleto sa sound system, pero second canvassing pala ng fiesta. Tuloy, inaagawan kami nung emcee ng istasyon sa program namin. Magkalapit lang kasi yung church at community center.
Masaya yung fun night at naglead pa ako ng singspiration ng mga Sunday school songs. Memorable sa akin si Super Bongga! Superhero kasi ang theme ng fun night.
DAY 3 – December 28
Maaga rin akong lumabas kinabukasan, on the way na ako sa Tarlac City. Bawal ulit matulog kasi baka malampas ako.
Fifth stop: Central Tarlac District. Dito yung district ng pinakamaraming attendance sa lahat ng pinuntahan ko. 340+ lang naman sila at pinuno nila ang malaking community center.
Nagmamadali kaming umalis, pero at least nakausap ko rin ang kanilang officers at nakapaglunch pa. Salamat sa local church na nagpakain. Kanya-kanya rin kasi ang luto dahil nakatent din sila.
Byahe na ulit. Papuntang Capas naman ngayon kung saan naganap ang pinakanakatatawa at pinakakabang bloopers ng CI visitation ko. Bumaba kami ng bus na naiwan si Joejit na tulog. Umandar na ulit ang bus na di pa rin siya bumababa, pero nakababa rin naman pero pupungas-pungas pa at syempre nakalayo na yung bus. Worry ko noon, baka makarating siya ng Cubao ng wala sa oras.
Sixth stop: Tarlac Tribal Sub-district. Dito ang pinaka-unique na experience. Kahit ilang beses na akong pabalik-balik sa Sta. Juliana, Capas, Tarlac, iba pa rin ang makita ang mahigit 100 na kabataang Aeta na nagtitipon for CI. Napasayaw pa nga kami kasama ng mga Aeta workers. Ipinanalangin pa nila kami at nakita ko naman na sobrang masaya at nag-eenjoy ang lahat.
Bago magdilim, kailangan na naming bumiyahe ulit para sa pangatlong district ng Tarlac Philippines Annual Conference.
Seventh stop: South Tarlac District. Isa rin ito sa mga memorable na district. Isang kasiyahan din ang naabutan ko dahil Workers’ Night nila. Ibig sabihin, workers ang maglelead ng Praise and Worship at may presentations pa. Masaya kasi napakacreative ng kanilang mga manggagawa. Tumatak sa aking isip ang mga katagang, “Yes, Direk!” na isinisigaw ang isang nagbading-bading na pastor sa kanilang skit. Isang indikasyon na tanggap nila ang mga kakaiba.
DAY 4 – December 29
Medyo late na ako nakaalis sa sumunod na araw. Kawawa naman si Rey na naghihintay na sa Paniqui ng dalawang oras. Hirap din kasi sa signal kaya hirap makatext. Sa byahe, bawal na naman ang umidlip kahit antok pa. Hindi ko na naman kasi alam kung saan ang Paniqui, basta alam ko madadaanan yun. Ayon sa computation ko sa pamasahe, abot mahigit isang oras ang byahe. Noong nakita ko ang marker na, “Welcome to Paniqui” nakahinga na ako ng maluwag.
Eight stop: Central Luzon District. At home na at home ako sa district na ito kasi Ilocano na yung language. Hindi na masyadong mahirap magsalita at naiintindihan ko na rin lahat ng sinasabi nila. Colibangbang ang pangalan ng barangay, pero wala naman akong nakitang ni isang paru-paro. Dito rin sa district na ito may umiyak na officer habang kami ay nagme-meeting.
Tirik na tirik ang araw noong umalis kami. Medyo may dilemna pa kasi sobrang layo pala yung next destination at kailangang three rides bago makarating at kailangan pang bumalik ng Tarlac City. May short cut din naman pero walang sasakyang dumaraan. Buti na lang may pastor na mabuti ang kalooban at hinatid kami.
Ninth stop: West Central Luzon District. Hindi ko inexpect pero mas maraming luha ang tumulo mula sa mga officers nila dito sa district na ito. Masyado silang naging emosyonal habang kinukwento nila ang kanilang mga struggles at karanasan bilang mga officers. Okay lang din, at least, nakapaglabas sila.
Problema na naman namin kung paano lumabas mula sa isang sobrang layong barangay lalo na na magdidilim na. Buti na lang at may nacontact na silang tricycle bago pa man kami makalabas ng church.
Madilim na nang umabot kami sa Tarlac City. Akala nga namin ay naiwan na kami ng last trip papuntang Guimba, Nueva Ecija. Habang nasa daan, nagpray kami ni Rey, sabi ko, “Lord bigyan niyo kami ng sakay, yung red.”
At yun, red nga ang naabutan naming jeep. Sobrang answered prayer talaga. Buti na lang hindi kalahati yung sasakyan tulad nung sa Fita commercial.
Tenth stop: East Central Luzon District. Gabi na noong kami’y makarating pero buti na lang at kakaumpisa lang nung program. Dito ko narinig ang pinakamalalakas na UMYFP clap. Nakaparami rin kasi nila. 300+ din. Maraming luha rin ang itinigis ng mga officers habang nagme-meeting, may ilan kasi na hirap sa pagiging officer dahil sa mga non-Methodist parents. Tuloy, nadagdagan ang mga eyebags nila.
Wala na akong picture sa last two districts na napuntahan ko dahil deadbat na ang aking camera. Hihingi na lang ako. Around 8:00 am, I’m off to my last district sa Ilocos. Wala ng kain-kain. Akala ko malapit lang pero inabot pa rin ako ng more than six hours na byahe. Para kasing nagpuprusisyon sa bagal yung bus.
DAY 5 – December 30
Eleventh stop: Ilocos South District. Obviously, nasa Ilocos Sur yung venue. Medyo kinabahan din ako sa byahe, para kasing hindi naman na ako magkarating-rating e ang sabi bungad lang yun ng Ilocos Sur. Di na magkamayaw ang mga officers nila sa katatanong kung nasaan na ako. Isa pang problema, lobat na rin ang phone ko. So pano na? hay. Buti na lang nakatext pa ako upon arrival sa mismong town bago man lang nalagutan ng hininga ang aking telepono.
Fun Night ulit ang naabutan ko. Syempre masaya at napakatalented talaga ng mga kabataan pati na rin mga pastor nila. Second time ko na sa district na ito dahil naging speaker nila ako sa isang Leadership Training Institute noong 2007 kaya at home na rin ako. Nakakatuwa kasi biglang buhos ng ulan after ko kumanta. Pero in fairness, pwede na rin kasi sobrang init noong gabing yun.
DAY 6 – December 31
Bago mananghalian, umalis na rin ako upang habulin ang New Year celebration at para hindi mahirapang sumakay ng bus pabalik ng Manila. Gabi na noong makarating ako sa bahay. I was home alone for the new year pero masaya na rin ako. Sa wakas, bahay na ulit ako, pagod pero masaya.
Isa ito sa pinakafulfilling na bakasyon! Kung bakasyon man siyang matatawag.









