Sa mga panahong tulad nito, sana matupad ang mga kahilingan ko. Alam kong imposible pero sana pwede.
- Noong Linggo, habang inilalatag namin ng aking kaibigan ang mga bagay na dapat naming tapusin para sa buwang ito, hinangad ko na sana madagdagan ang “weekends” ko. Isa pa, kung maaari lang sana na maging sampung araw ang isang linggo.
- Sana ang weekends ay lagi na lang July 8. Noon ko kasi nalaman na oo nga tama nga sila, kailangan ko rin ang pahinga. Kaya’t kahit marami akong iniisip noon na dapat kong gawin at tapusin, sinamantala ko ang panahong kasama ko ang kama ko, habang nakatitig ako sa puting kisame, habang pinapakinggan ang malakas na pagpatak ng ulan sa labas at pagpasok ng konting ambon sa kuwarto ko.
- Sana pwede kong kunin yung ibang araw ng kuya ko at idagdag sa akin upang magawa ko lahat ng bagay na dapat tapusin at makapagpahinga din ng matagal.
- Matagal na akong nakaplanong umuwi ng probinsiya. Noong huling linggo pa ng Mayo pero hindi ako natuloy dahil sa sapilitang pagpasok sa opisina. Sana pwedeng pumunta sa dalawang lugar sa parehong pagkakataon. Papasok kasi ako sa opisina sa Sabado pero dapat dadalo ako sa unang pagpupulong ng konseho anwal sa Isabela.
- Sana mas marami akong panahong magbasa ng mga libro at magsulat ng mga bagay na dapat at gusto kong sinusulat maliban sa mga lathalaing iniaatas ng aming editor dito sa opisina.
- Gusto kong magbakasyon, lumayas, gumala! Sana ngayon na yung “soon.
- Sana maging masaya na rin yung gold fish sa aquarium sa bahay. Siguro nagu-guilty siya kasi siya ang dahilan kung bakit kinailangan naming patayin yung janitor fish. Sana hindi na lang kinagat nung janitor fish yung buntot niya noong isang buwan.
- Marami akong mga bagay na hinihiling pero ang magagawa ko lamang ay mabuhay ng katulad niyo: 24 oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo at apat na weekends sa bawat buwan. Dahil kahit naghahangad ako, hindi naman ako makapagdaragdag ng kahit isang segundo sa buhay ko.
- Huli na ito: Sana 11:30 na para lunch break na! Kanina pa kasi kumakalam ang aking sikmura. Napakatagal umikot ng oras lalo na kung hinihintay mo siya. Tik tak tik tak, hindi ko mapigilang mapatingin sa orasan na naka-embed sa lower right side ng monitor ko.


